Wednesday, September 21, 2005

carla5

room 204
(Sampung Minutong Monodrama)
ni
William T. Montesines

Tauhan:
Kristina, 20: Girlfriend ni Ryan, maganda, buntis
Ryan, 24: Boyfriend ni Kristina, gwapo, matipuno ang katawan, isang photographer at graphic artist sa isang advertising firm.

Panahon at Tagpuan:
Kasalukuyan, Gabi, Room 204
Ang Room 204 ay isang paupahang unit sa isang Bliss Housing Project. Maliit lamang ito at walang sala. Wala na rin itong dividers na naghihiwalay sa kusina at dinning area. Ito ang magiging entablado. Kaharap ang mga manunood, makikita sa gitna ang isang queen size bed na may kasamang side table sa magkabilang panig nito. Sa side table na nasa kanan nandoon ang telepono. Katabi nito sa kanan ay ang pinto na siyang pasukan ng kwarto at katabi ng pinto ang isang cabinet. Nakalagay naman sa kaliwang side table ang isang lampshade at mga picture frames katabi nito sa kaliwa ang isang pinto papuntang banyo. Mapalit sa paanan ng kama, sa bandang kaliwa matatagpuan ang isang vanity table na may malaking salamin, puno ng mga pampaganda at alahas. Ilang hakbang pakanan ay tutungo na sa mini-kitchen kung saan nakapatong sa lavatory ang ilang pinggan at gamit pangkusina. Kalapit nito ay isang foldable table na nagsisilbing dinning area at dalawang upuan.
Sa umpisa ng dula, madilim ang entablado. Makikita lamang ang silhouette ni Kristina na nakaupo sa gilid ng kama at umiiyak ng malakas. Bigla, siya ay tatayo kaharap ng mga manonood. Bubukas ang isang spotlight sa kanyang ulunan, mistulang ineenterogate ng pulis. Makikitang siya ay nakasuot ng isang duster. Magulo ang kanyang buhok. Kumalat rin ang kanyang eye liner at lipstick. Hahawakan ang kanyang tiyan, titingnan ito at muli iiyak ng malakas. Haharap muli sa mga manonood.

Kristina: Pinagbibintangan mo ba ako? (magagalit at manlilisik ang mata) Umalis ka na. Nagaaksaya ka lang ng laway sa’kin. Ako, mamamatay tao, naku kahit kailan yata ‘di ko pinangarap ‘yun. Iisa lang ang pangarap ko simula pagkabata, ang yumaman (tutungo).

Kristina: Oo inaamin ko minsan, hindi pala minsan, madalas iniisip ko’ng patayin nalang si Ryan. Sino ba naman ang makukuntento sa buhay na ‘to? Lalo na ngayong magkakaanak kami, ‘di ko ata type ang lumaki sa ganitong pamumuhay ang anak namin. Ayokong maranasan ng anak ko ang mga paghihirap ko. Pero sa tuwing gagawin ko na ‘yun, sinisipa ako ng bata sa tiyan ko. Bakit ko daw papatayin ang tatay niya? Ayaw n’ya daw maulila sa ama nang ‘di oras. Kaya ano pa nga bang magagawa ko kundi magtiis na lang. Tutal wala naman akong puhunan sa negosyong ito. Bawi-bawi lang.

Kristina: Pangalan ko? Kristina. A tawagin mo na lang akong Kris (ngingiti). Ang sosyal diba (tatawa)? Sabi kasi ni itay, ipinanganak daw ako noong araw ng pasko, kaya ito ang ipinangalan sa akin. Sabi rin n’ya, kasabay ko raw ng bertday si Jesus kaya swerte. Pero walangya, swerte ba ‘to? (tatawa)

Maglalakad papunta sa vanity table. Uupo. Haharap sa salamin. Magsusuklay.

Krstina: A ewan ko ba? Hindi rin naman naming ginustong maging mahirap. Ano ba ‘yan! Lahat na lang yata ng kamalasan nasa akin na.

Titigil sa pagsusuklay. Tatanggalin ang make-up sa pamamagitan ng tissue at kamay

Kristina: Dati kase nakahiga lang kami sa banig, walang kumot at laging pinapak ng lamok tuwing gabi. Bihira rin kaming makakain ng karne. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, bilang na bilang ko palang ang mga okasyon ng pagkain namin ng karne. Araw-araw puro kangkong; pritong kangkong, pinakuluang kangkong, ginataang kangkong at kung palarin, adobong kangkong. Tinutubuan na nga ako ng dahon e, pati tae ko nga kulay berde na rin.

Maglalagay ng powder sa mukha

Kristina: Terd year hayskul ako noong sinabi sa akin ni Itay na huminto na ako sa pag-aaral para magbenta ng kung ano sa may Junction. Noong una, lagi akong umiiyak. Pa’no namimiss ko ‘yung kaibigan ko. Sila kasi ang pinagsasabihan ko ng sama ng loob sa tatay ko. At tsaka ang cheap diba, dalaga nako at di na bata. Panget naman yatang maglalakad ako sidewalk at sasabihing “Ate panali po ate.” o ‘di naman’y “Ate pengeng piso, pangkain lang po”. Kadiri, bigtime yata ‘tong kausap mo.

Haharap sa mga manonood

Kristina: E kaso nga, sabi ni Itay (haharap sa salamin, maglalagay ng lipstick) Matanda na raw ako at kailangan ko na raw magtrabaho para naman daw may mapala siya sa akin. Palamunin lang daw ako, walang ginawa kundi kumain, matulog at mag-aral. Hindi naman daw nakakain ang lapis at notbuk e kaya bakit pa ako mag-aaral. Sabi rin niya, matagal pa raw bago ako makatapos ng pag-aaral at pagkatapos n’yon magpapabuntis rin naman agad ako, kaya habang buhay pa siya mas mabuti nang may mapala siya sa akin.

Haharap sa mga manonood

Kristina: At dahil nga ang cheap ng dating sakin ng paglalako ng kung anu-ano, naghanap nalang ako ng mas sosyal kaysa rito. Sa Bongga, doon sa Bongga Bar pumasok ako bilang waitress. Panalo talaga ‘dun, laging maraming mayayamang nagbibigay ng malaking tip, lalong lalo na kapag Biyernes kase si Bulak nasa stage. ‘Di hamak namang mas may kinabukasan ako rito.

Haharap muli sa salamin

Kristina: Matagal na akong nagtratrabaho don. A mga mag-aapat na taon na siguro. Kaya lang break muna ako, malapit na kase ‘tong bata e. (Maglalagay ng eye liner) Dito ko rin nakilala si Ryan, regular costumer siya sa Bongga. Mag-isa lang siya tuwing pumupunta ‘dun. Siguro laging may problema. Ako naman haliparot, nilandi siya. Inisip ko mayaman siya tulad ng mga costumer ‘don, gwapo pa. ‘Di naman kase ako nakatapos ng pag-aaral. Pag-asa ko na lang ang mag-asawa ng mayaman no. Nakakasawa na kaseng maging mahirap. E tanga, wala rin pa lang pera ‘tong hinayupak na Ryan. Ayan tuloy na one time bigtime ako.

Haharap sa mga manonood

Kristina: Kaya kung inaakala mong pinatay ko si Ryan nang dahil sa pera, ang tanong nasan ang pera? Tumingin ka nga sa paligid mo, tingnan mo ‘tong kwarto, ngayon sabihin mo sa’kin kung nasan ang pera dito. (haharap sa salamin, magsusuot ng hikaw, relo, necklace at pearl bracelet). Kung may nakita ka man sinungaling ako at dahil dun ako na mismo ang magpapakulong sa sarili ko o kaya dudukutin ko na ‘tong sanggol para matapos na ang usapan. Naku nagkakamali ka, ‘tong relo ko, fake. ‘Tong hikaw ko, plastic. ‘Tong kwintas ko, naku tanso lang ‘yan. Nagoyo ka no. Magaling yata ako magdala, may class. Pero kung alam mo lang, aba talo ko pa ang squatter dito a! May nakikita ka bang microwave oven, dvd player, component o maski man lang washing machine? Wala diba? Kaya imposible ‘yang sinasabi mo. Isa pa hindi naman kami kasal a. Kung may tinatagong yaman ‘yang hindot na ‘yan, wala pa rin akong habol. Kung tutuusin ako nga ang agrabyado dito e. Biruin mo hindi na nga kasal, naanakan pa, tapos ngayon ako pa ang pinagbibintangan mo. Sobra naman yata ‘yan.

Haharap sa mga manonood

Kristina: Ano? Suspect pa rin ako? Ano pa ba ang gusto mong marinig. Aba buong buhay ko na yata kwinento ko s’yo ano pa ba ang gusto mo? Mapapaanak ako nang ‘di oras s’yo e. (sasakit ang tiyan, hahawakan ito) Ganito, makinig kang mabuti dahil pagod nakong magpaulit-ulit sabihin na hindi nga ako ang pumatay kay Ryan. Kagabi kase…(maduduwal, tatakbo sa banyo)

Bubukas ang house lights, tatlong katok ang maririnig, papasok si Ryan na pawis na pawis at naka Gym attire, agad niyang ibababa ang kanyang sports bag titingnan ang interiors ng buong kwarto, maglalakad papunta sa kama at uupo. Tatanggalin ang sapatos at medyas. Bubukas ang pinto ng banyo. Maririnig ang pagflush ng toilet bowl. Lalabas si Kristina. Magtitinginan ang dalawa. Maduduwal si Kristina, tatakbo sa may lababo at masusuka ngunit wala namang lalabas. Pupunasan ng kamay ang bibig. Haharap kay Ryan

Kristina: ‘Wag kang ngingiti-ngiti d’yan. Ano bang nakakatawa ha? Pasalamat ka, lalaki ka. Humanda ka na, bibingo ka na s’kin. May araw ka rin s’aking hinayupak ka.
Kristina: San ka ba nagpunta? Ang aga-aga mong umalis ng bahay kanina tapos ngayon ka lang dumating. Buti sana kung galing ka sa trabaho e hindi naman yata.

Pupunta sa Vanity table, haharap sa salamin at marere-touch ng make-up

Kristina: Oist anong bang nginingiti-ngiti mo d’yan? Magsalita ka tinatanong kita, san ka na naman ba galing lalaki ka? ‘Wag mong sabihing nag-Gym ka na naman kasama si Anton? Wala na nga tayong pera, gym ka pa ng gym d’yan. Kanino ka ba nagpapaganda ng katawan ha? Di naman ako nagrereklamo ah. O baka naman may ginagawa na kayo n’yang bestfriend mo. Pansin ko lang kase ha, lagi na lang si Anton ang nakikwento mo sakin. Si Anton ang lagi mong kasama, kesyo, bertday ni pareng Anton, may problema si Anton, puro nalang si Anton-Anton, nakakasawa na a. Naku nagseselos nako n’yan ha. Minsan nga iniisip ko, mas mahal mo pa s’ya kaysa akin. Kung hindi lang talagang nakakatawang isiping pareho kayong lalaki, o baka naman isa sa inyo bakla. Ano umamin ka na, bakla ka ba? Naku ‘wag kang magbibigay ng maling sagot, sige ka baka mademonyo ako pumatol naman ako sa tomboy. Alam mo naman, lapitin ako ng tomboy. Grabe nga e, kilala mo ba si Giba, yung tomboy sa fourth floor? Grabe, dinalhan n’ya ‘ko ng kaldereta kahapon naloka nalang ako sa sarap.

Titingnan si Ryan

Kristina: Uy ba’t ka hindi nagrereact ha? Joke lang ‘yun, nagbibiro lang ako sineryoso mo naman. Baby, galit ka ba sa’kin. Naglalambing lang naman ako ‘wag ka nang magtampo. Huy, pansinin mo naman ako. Ang totoo nga n’yan ako mismo ang lumapit sa kanya para manghingi ng pagkain, gutom na gutom na kase ako kahapon, e gabi na wala ka pa. Patawarin mo nako, alam ko’ng nagtratrabaho ka naman mabuti e at tsaka alam ko namang bestfriend mo si pareng Anton miski nu’ng nasa college ka pa. Uy hindi na siya galit, Bati na kami. Sabi ko na nga ba nagiinarte lang ‘tong Baby ko e. Gusto mo ba ng masahe?

Lalapitan si Ryan, uupo sa tabi nito, huhubarin ang pawisang damit at pupunasan ang pawis.

Kristina: Baby alam mo ba kanina habang nasa Gym ka, pumunta ako sa mall. Dun ako nagtanghalian. Grabe ang tagal tagal ko nang hindi nakakapunta sa mall. Mga magdadalawang linggo na yata nung huli akong nakapunta. Nauurat na kase ako dito sa bahay. Kailangan ko namang maglibang. Grabe sale up to 70%. (hihiga si Ryan sa kama, uupo naman si Kristina sa likura nito. Magmamasahe) Baby punta tayo, bili moko sandals. Bili mo rin ako ng T.V., sige na. Kahit hindi 21, 15 inches ok na sa akin yun. Please. O sige hindi na ako magpapabili sa’yo ng bagong cellphone na may camera, ipalit mo nalang ‘yun sa T.V. ano? Sige na baby, wala lang talaga akong magawa dito sa bahay e. Ayoko nang palagi na lang nakikinood sa mga kapitbahay. Baka isipin nila wala tayong pera. Tsaka alam mo ba baby, minsan nao-OP ako tuwing nagkwekwentuhan kami nung mga katulong sa first floor. Wala kasi akong masagot tuwing nagkwekwentuhan kami tungkol sa nangyari sa Kampanerang Kuba, nagpupustahan kasi kami kung backpack lang ‘yung nasa likod ng idol ko e.

Kristina: Pero sige kung ‘di mo mabibili ‘yung T.V. ok lang, ganyan naman lagi e. Minsan na nga lang ako hihiling sa’yo hindi mo pa ako mapagbigyan. Seryoso, ok lang ako. Sanay na naman ako sa ganyang hirit mo. Ano pa nga bang magagawa ko? Wala ka namang obligasyon sa’min ng anak mo e. Sino ba naman kami sa buhay mo di’ba?

Didiinan ang pagmamasahe

Kristina: Kung bakit naman kase hindi ka maghanap ng ibang trabaho e, yung mas malaki ‘yung sweldo. Sa tingin mo ba, mapapakain mo kami ng anak mo sa pagkukuha ng litrato? Pa’no yung mga diapers, yung mga vitamins, yung gatas. Aba ayoko yatang magpasuso no, masakit ‘yun, isa pa ayokong lumawlaw ang dede ko.

Titigil sa pagmamasahe

Kristina: Baby, nakikinig ka ba sa’kin? Ang sabi ko, maghanap ka na ng ibang trabaho. Ayoko na sa ganitong klaseng lugar, sawa nako sa kwartong ito. Masikip, hindi ako makahinga. Baby, gusto ko ng totoong bahay, yung malaki, may second floor. Yung may sariling sala, kumpleto sa appliances, ok na kahit walang swimming pool. Hindi naman ‘yung ganito, ang jologs e.

Yuyuko at idadantay ang ulo sa balikat ng Ryan

Kristina: Mahal mo ba talaga ako? Kase kung mahal mo talaga ako, di mo’ko dapat tinitiis. May balak ka bang panagutan ‘tong anak mo? Pakakasalan mo ba ako?

Maguumpisang halikan ang balikat ni Ryan.

Kristina: Huy baby, lumipat na tayo ng bahay. Pakasalanan mo na ako. Hindi na kami makapaghintay ng anak mo. Mahal na mahal kita Baby. Mahal na mahal ko kayo ng anak mo. Pinapangako ko Baby magsasama tayo ng masaya. Ibibigay ko lahat para sa’yo (Itataboy ni Ryan sa pamamagitan ng kamay si Kristina).

Matitigilan si Kristina, muli siyang babalik sa kanyang pagkakaupo. Matutulala, makikita ang telepono. Hahablutin ang cord. Tatangkaing sakalin si Ryan. Lilingon si Ryan, magugulat. Bigla matitigilan si Kristina at ibababa ang cord ng telepono.Yayakapin si Ryan.

Kristina: Ryan I’m sorry. Hindi ko sinasadya. Nagulat lang ako. Pangako magiging mabuting asawa ako.

Biglang tatayo si Ryan, pupunta sa cabinet, kukuha ng damit at pantalon. Magbibihis. Ilalapag ang hanger sa kama

Kristina: Baby saan ka pupunta? Iiwan mo na ba ako? (maluluha) Please Baby maawa ka. Pa’no na ang magiging anak natin? Yung mga pangarap natin? Pangako magbabago nako ‘wag mo lang akong iwan. Baby ‘wag mo kong iwan.

Maglalakad paalis si Ryan, hihinto sa pinto, titingnan si Kristina

Kristina: (iiyak ng malakas) ‘Wag mo kong iwan Ryan! Di mo ‘to pwedeng gawin sa’kin! ‘Wag mokong iwan!

Kristina: (Makikita ang hanger sa kama, kukunin ito) Sige iwan mo na’ko! Iwan mo na kami ng anak mo! Anong klaseng lalaki ka! Sige subukan mong lumabas ng pinto, papatayin ko ‘tong anak mo. ‘Di ako nagbibiro, papatayin ko ‘tong anak mo!

Aalis si Ryan sa kwarto, hahabulin ni Kristina. Magsasara ang pinto. Titigil si Kristina at mapapaupo sa sahig, iuumpog ang ulo sa pinto.

Kristina: Ryan ‘wag mo ‘kong iwan, Ryan. Ryan. Ryan. (titingnan ang hawak-hawak na hanger, Kakapain ang tiyan)

TELON

milky


12:43 PM

Tuesday, September 20, 2005

yesterday was the most unluckiest day for me. i almost turned suicidal last night.its because of the fact that i wont be able to present my thesis on friday. ewan ko ba kung bakit? handa naman ako, kabisado ko naman ang thesis ko. i'm already done shooting my film. all i have to do is to organize my thoughts na lang at isipin ang mga posibleng itanong ng panel. wala lang sobrang hasle lang dahil sa pagkakaalam ko mga 70% lang ng thesis ang iprepresent "work in progress presentation" ika nga. pero ewan ko ba dahil gusto ng adviser ko na kumpleto na ang thesis ko by today. out of 5 plays 3 palang ang nagagawa ko'ng monodrama. and i know that i wont be able to finish the remaining plays sa isang upuan lang.

wala lang sobrang naguiguilty lang ako, for my mom na 100% ang support sa akin. na isang sabi ko lang ay agad nagbibigay ng pera at advise kung anong gagawin. nababadtrip din ako dahil sa effort na ibunuhos ko para doon. ilang beses rin akong hindi nakapasok sa ibang subjects. tapos ngayon maiiwan ako sa ere. unfair naman yata yun. lalo na kung alam kong kaya ko naman ipagtanggol ang sarili ko against the panel.

anyway ano pa nga bang magagawa ko, kundi gawin sa sembreak ang thesis ko, mag-intay ng febuary for the next presentation. badtrip talaga. mas naguilty pa ako dahil noong sinabi ko sa mom ko na hindi ako gragraduate. agad niya itong naintindihan. ang sabi niya, "ganyan talaga"

oh well ganyan talaga.


11:35 AM
+ My Past +

+ September 2004
+ October 2004
+ November 2004
+ December 2004
+ January 2005
+ March 2005
+ April 2005
+ May 2005
+ June 2005
+ July 2005
+ August 2005
+ September 2005
+ October 2005
+ December 2005
+ January 2006
+ February 2006
+ March 2006
+ April 2006
+ May 2006
+ June 2006
+ July 2006
+ August 2006
+ September 2006
+ October 2006
+ November 2006
+ December 2006
+ January 2007
+ February 2007
+ March 2007
+ August 2007
+ September 2007
+ October 2007
+ November 2007
+ December 2007
+ January 2008
+ February 2008
+ March 2008
+ May 2008
+ June 2008
+ August 2008
+ October 2008
+ November 2008
+ December 2008
+ January 2009
+ February 2009
+ March 2009

milkylicious

....
liam2

tagboard

Links

blogger
blogskins
Om
C-an
Paolo Manalo
KASAMAsaUP
UGAT
Alina
David
Danix
Jel
Jel 2
Bridge
Pima
LA
Piya
Vlad
Cyruse
Mj-1
Mj-2
Adam
Mykel
Chu-chu
Daryl
Myls
Rose
Kristine
Anntot
Kat
Katmac
Schedar
Irene
Marla
Pauline
Dave-1
Dave-2
Rafi
AD
Lovelle
ivy
eRYzzah
Michelle
Tanya
VJ
NKE
Josa
Prech

Designed by: Milky

Get awesome blog templates like this one from BlogSkins.com